MANILA, Philippines - May solusyon na rin sa matinding trapik sa kahabaan ng Roxas Blvd sa Baclaran dahil ililipat na ang mga vendors sa lupaing pag-aari ng pamahalaan ng Parañaque City.
Sa pahayag ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, lahat ng vendor sa bahagi ng Baclaran ay ililipat sa may ektaryang lupain na pag-aari ng pamahalaang lungsod sa Roxas Bouleverd, tapat ng Redemptorist Church.
Nakatakdang magtayo ng malaking flea market na popondohan ng lokal na pamahalaan at magiging pare-pareho ang laki ng puwesto ng mga magtitinda.
Nabatid na suportado ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang nasabing proyekto.
“This will be the permanent solution to the decade-old vending and traffic problem in Baclaran,” pahayag ni Olivarez.
Bukod sa world-class entertainment city magiging tourist destination ang kahabaan ng Roxas Boulevard.
Bukod sa kakaibang istraktura ay maglalagay din ng LRT station kapag natapos na ang P64. 9 bilyong LRT extension mula Baclaran station hanggang sa Barangay Niog sa Bacoor City Cavite.
Sa nasabing proyekto ay masosolusyunan na ang problema sa trapiko ng Baclaran area, gayundin ang problema sa illegal parking.