MRT-3 muling nagkaaberya

MANILA, Philippines -  Magkasunod na kalbar­-yo ang dinanas kahapon ng mga pasahero ng Metro Rail Transit (MRT-3) makaraang dalawang beses tumirik ang biyahe ng dalawang tren nito.

Nabatid mula sa MRT-3 control tower na dakong alas-5:45 ng umaga nang unang magkaroon ng aber­ya ang isang bagon kaya nagpatupad ng provisio-nary service mula sa North Avenue, Quezon City hanggang sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City lamang ang biyahe.

Ayon kay Eng. Deo Ma­nalo, Director for Operation ng MRT-3, may nakitang bitak sa relis ng tren sa pagitan ng Boni at Shaw Avenue station ang kanilang mga tauhan kaya nagpatupad ng ‘‘provisionary service’’.

Sinabi ni Manalo, ayaw nilang magkaroon ng aksidente sa biyahe kaya pinutol nila ang kanilang operasyon.

Makalipas ang isang oras ay muling nagbalik sa normal ang operasyon pero pagsapit ng alas-8:27 ng umaga ay muling nagkaroon ng aberya kaya pinababa ang mga pasahero ng MRT sa Magallanes station southbound.

Sinasabing teknikal na problema ang dahilan ng ikalawang aberya at kinaila-ngan pang hatakin pabalik ng MRT-depo ang tumirik na bagon.

Muli namang humingi ng paumanhin ang pamunuan ng MRT-3 sa mga naapek­tu­hang pasahero sa magkasunod na aberya.

Show comments