MANILA, Philippines - Anim na katao kabilang ang isang sarhento ng Philippine Army ang nadakip matapos mahuling bumabatak at nagtutulak ng shabu sa magkahiwalay na operasyon sa Pasay at Taguig City, kamakalawa.
Sa report ng Pasay City Police, nakilala ang mga naaresto na sina Aira Nunez, 37, isang labandera at Ronald Navarra, 36, kapwa nakatira sa Brgy. 145, Zone 16, ng nasabing lungsod.
Nabatid na nakatanggap ng tawag ang Baclaran PCP, Pasay City Police mula sa ilang residente hinggil sa iligal na gawain ng mga suspect dahilan upang magtungo ang mga pulis sa Ipil-Ipil St., ng naturang lungsod at dito nila naaktuhang bumabatak ng shabu ang mga suspect, na nagresulta nang pagkakadakip sa mga ito.
Ala-1:00 naman ng madaling araw ay nadakip naman ang mga suspect na sina Philippine Army Sgt. Carlos Erne; Josephine Bajador; Reynaldo Bechayda at Benson Gierza sa Ranger St. Purok 1A, Brgy. New Lower Bicutan,Taguig City sa isang buy-bust operation. Nakumpiska sa mga suspect ang 5 pirasong plastic sachet ng shabu, drug paraphernalia at 1 pirasong P1,000 bill bilang mark money.
Ang mga suspect ay sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs.