MANILA, Philippines - Patay ang isang kasambahay matapos itong mabaril ng kaaway ng anak na lalaki ng kanyang amo, kamakakalawa ng gabi sa Pasay City.
Nasawi habang ginagamot sa Pasay City General Hospital ang biktima na kinilala lamang sa pangalang Aling Maria, na nagtamo ng tama ng bala sa dibdib buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Nakakulong naman sa Pasay City Police detention cell ang suspect na si Angelo Espinosa, 20, isang construction worker, ng Sto. Nino St., Brgy. 145 ng naturang siyudad.
Ayon kay Police Senior Supt. Lawrence Coop, hepe ng Pasay City Police, naganap ang insidente alas-9:40 ng gabi sa bahay na pinaglilingkuran ng biktima sa Kamagong St., ng naturang barangay, malapit sa Don Carlos Market.
Bago ang pamamaril, nabatid na pinagtulungan umanong gulpihin ng grupo ng mga kalalakihan ang suspect na si Espinosa, dahilan upang umawat si Benjamin Navarra, 38, anak ng amo ni Aling Maria.
Matapos ang kaguluhan ay pinuntahan ni Espinosa si Navarra sa bahay nito sa pag-aakalang kasama ito sa grupo ng mga kalalakihang gumulpi sa kanya.
Kung saan armado ng baril ang suspect at tinutukan nito ang ina ni Navarra na si Erlinda, 63.
Dahil wala ang kanyang pakay na si Navarra ay umalis ang suspect at muling bumalik.
Dito na namaril si Espinosa hanggang sa tinamaan nito ang kasambahay ng pamilya Navarra na si Aling Maria.
Kaagad na dinala ang biktima sa naturang ospital, subalit namatay ito habang nilalapatan ng lunas. Samantalang si Espinosa naman ay nadakip ng mga rumispondeng pulis.