MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang ‘bangag’ sa marijuana ang isang 21-anyos na lalaki nang tumalon mula sa ika-20 palapag at bumagsak sa canopy ng ika-8 palapag ng isang condominium sa Malate, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni PO3 Roderick Magpale ng Manila Police Distric-Homicide Section ang biktima na Nathan Wolfe Soto Y De Asis, 21, residente ng Unit 2034 The Manila residences Tower II, Taft. Avenue, Malate, Maynila.
Lumilitaw na dakong alas 2:05 ng madaling araw kahapon nang maganap ang insidente sa nasabing condominium.
Nabatid na kasama ng biktima nang oras na iyon ang roommates na babae na sina Ching Ying Law at Seika Santos at dalawang lalaki na sina Jericho James Evangelista at isang alyas “Marko”, pawang nasa 20 hanggang 21 ang edad, para umano matulog na.
Nagulat umano ang apat nang makitang wala sa sarili ang biktima at nagtatakbo patungo sa pintuan ng kanilang unit, na nasa ika-20 palapag.
Nang magsitayo sila sa higaan upang patigilin ang biktima ay nagtatakbo naman ito sa hallway at umakyat sa bintana at tumalon.
Hindi na umano inabutan ng mga kasamahan ang biktima upang sana ay mapigilan.
Nadatnan ng mga awtoridad ang biktima na nakadapa at duguan sa canopy o barandilya ng ika-8 palapag kung saan ito bumagsak mula naman sa ika-20 palapag.
Nang magsagawa ng ocular inspection sa unit ng biktima, narekober ang mga hinihinalang pinatuyong marijuana at drug paraphernalias.
Dahil dito, may teorya na gumamit ng nasabing iligal na droga ang biktima at posibleng maimbestigahan din ang mga kasamahan.