MANILA, Philippines - Patay ang dalawang lalaking pinaniniwalaang mga holdaper nang makipagbarilan sa tauhan ng Manila Police District-Station 3 sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan sa mga nasawi na inilarawang nasa edad na 40-45, may taas 5’6 hanggang 5’7, balingkinitan, nakasuot ng puting t-shirt at puting jersey shorts at may tattoo na Bahala na Gang sa kanang kamay , habang ang isa naman ay nasa edad 30-35-anyos, may taas 5’5-5’6, nakasuot ng kulay gray na t-shirt at pulang pantalon.
Sa ulat ni SPO3 Milbert Balinggan ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas -3:05 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa panulukan ng Yuseco at Oroquieta Sts., sa Sta. Cruz.
Nabatid na bago ang engkuwentro, isang tawag sa telepono ang natanggap ng nasabing presinto at inireklamo ang dalawang lalaki na armado ng baril na nangtangkang mangholdap.
Inatasan naman ni P/Chief Insp. Michael Garcia ang mga tauhan ng Blumentritt Police Community Precinct (PCP) para rumesponde sa nasasakupang erya.
Nang mamataan ang mga dumarating na pulis ay agad umanong nagpaputok ang dalawa kaya nauwi sa palitan ng putok sa pagitan nila at nina PO3 Juanito Arabejo at PO3 Gener Paguyo kung saan kapwa bumulagta ang dalawang suspect.
Narekober mula sa kanila ang dalawang kalibre 38 baril, tatlong plastic sachet ng shabu at isang sling bag na may lamang anim na iba’t ibang uri ng cellphone at isang tablet na pinaniniwalaang loot items.