Teller sa Bayad Center, huli sa ‘holdap me’
MANILA, Philippines - Kalaboso ang isang 34-anyos na teller/cashier ng isang courier company nang mahuli sa bibig ang magkaka-ibang pahayag sa insidente ng holdapan na taliwas sa nakita sa kuha ng closed circuit television (CCTV) sa Singalong, Malate, Maynila, nitong Marso 27.
Reklamong paglabag sa Article 310 ng Revised Penal Code o Qualified Theft ang kinakaharap ng suspek na si Cebha Mae Tutica, teller sa Bayad Center-San Andres Branch, Malate na inihain ng kinatawan ng Metro Jobs and Placement Solution .
Sa ulat ni PO2 Ryann Paculan kay Manila P/Chief Insp. Eduardo Pama, hepe ng MPD-Theft and Robbery Investigation Section, dakong alas- 5:48 ng hapon ng Marso 27 nang ireport sa pulisya ang insidente ng panghoholdap.
Unang lumabas na ang suspek ay nabiktima ng panghoholdap ng nag-iisang lalaki at natangay ang nasa P1,725,000.00 nang ito ay bumalik sa Bayad Center matapos mananghalian ng araw na iyon.
Ipinaalam niya ito sa accounting head na si Daria Arcenal, 42 ,na nagreport naman sa MPD para imbestigahan.
Nang isailalim sa interogasyon ni C/Insp. Pama, nabuking niya na nagsisinungaling sa salaysay si Tutica at sa halip na kunan ng salaysay ay siya na ang naging suspek sa insidente.
Partikular na nasilip ang testimonya ni Tutica na sa oras na iyon, isang lalaking nakasuot ng kulay puti ang sapilitang pumasok at tinutukan siya ng baril at tinangay ang salapi.
Subalit, hindi tugma ang salaysay ni Tutica sa kasamahang teller na si Divine Grace Alindao, 38, na nagsalaysay na siya ang tinutukan ng baril at si Tutica ang nagpasok ng mga pera sa bag na ibinigay sa lalaking nakasuot ng checkered na polo, dakong alas- 3:10 ng hapon, at base na rin sa kuha ng CCTV.
Dahilan ito upang ibunyag na rin ng kinatawan ng kompanya ang ginawang unang pagnanakaw ng suspek sa kaha ng Bayad Center noong taong 2014 na umabot sa 333,000.00 ang nawala.
Hindi umano tinanggal sa trabaho ang suspek upang unti-unting masingil sa sweldo nito ang kabayaran sa bahagi ng nawala.
Nasa P84,000 umano ang naawas na sa sweldo ng suspek.
Bukod pa rito, natangayan din ng P257,000 ang Bayad Center noong Marso 15, 2017 ng mga holdaper.
- Latest