MANILA, Philippines - Nasabat ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nasa 24 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng milyun-milyung piso at iba’ibang uri ng mga matataas na kalibre ng baril sa Tondo, Maynila, kahapon ng hapon kung saan dalawa katao ang nadakip.
Sa inisyal na impormasyon mula sa NBI-National Capital Region (NCR) nadakip sina Edris Macalabo, 36 at Arvin Zapanta, 32, na sinasabing may hawak na driver’s license. Nasamsam ang mga shabu at mga baril sa Zaragoza St., sa panulukan ng Road 10, sa Tondo, Maynila na nakatakdang isakay sa Toyota Corolla na kulay na gray na may plakang WDJ-567 para umano dalhin sa di pa batid na lugar sa Quezon City.
Hinihinalang nasa tig-isang kilo ng shabu ang laman ng bawat bag habang ang mga baril ay kinabibilangan naman ng mga sub-machine guns, mga revolver at mga pistol.
Isasalang pa sa assessment ng Forensic Division ng NBI kung high-grade shabu ang mga nasamsam para matukoy ang value o halaga sa market.
Nakatakdang ipagharap ng reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002 at illegal possession of firearms ang dalawang suspek.