MANILA, Philippines - Todas ang magbayaw, nang pagbabarilin ng 13 armadong lalaki na sakay ng mga motorsiklo habang ang mga biktima ay nasa loob ng kanilang tahanan sa Marikina City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga biktima na sina Lorie dela Cruz, alyas Lorie Nanac, na kabilang sa drug watchlist ng pulisya at kanyang bayaw na si Jeffrey Sumayang, 23, na kalalaya lamang mula sa Marikina City Jail matapos na makapagpiyansa sa kinakaharap na kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nabatid mula kay P/Sr. Supt. Lorenzo Holanday, hepe ng Marikina City Police, na ang insidente ay naganap dakong alas-8:35 ng gabi sa tahanan ng mga biktima na matatagpuan sa Block 53 Pipino Street sa Barangay Tumana.
Sa pahayag ng ilang testigo, dumating ang 13 suspek, na lulan ng pitong motorsiklo at kaagad na pinasok ang tahanan ng mga biktima at pinaulanan ng bala, saka mabilis na tumakas.
Isinugod pa sa Amang Rodriguez Medical Center ang mga biktima ngunit patay na ang mga ito bunsod nang tinamong mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan.
Bigo naman ang mga testigo na makilala ang mga suspek na pawang nakasuot ng helmet at maskara nang isagawa ang pagpatay. Sinabi ni Holanday na hinala nilang may kinalaman sa illegal na droga ang krimen lalo na’t parehong drug personality ang mga biktima, bukod pa sa dati na rin nabaril si Lorie ngunit nakaligtas lamang.
Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga tauhan ng Marikina police para mabatid ang tunay na motibo ng krimen at madakip ang mga ito.