MANILA, Philippines - Umaabot sa mahigit 3,000 elementary pupils ang nagsipagtapos sa Anti-drug education program Drug Abuse Resistance Education (DARE) na una nang inilunsad ni Manila Mayor Joseph Estrada noong siya pa ay Bise-presidente pa lamang at hepe ng Presidential Anti Crime Commission (PACC).
Sa simpleng seremonya na ginanap sa San Andres Sports Complex isinagawa ang DARE Joint Culminating Program matapos ang pag-aaral ng grade 5 at 6 student mula sa 12 paaralan.
Ayon kay Estrada, naniniwala siyang ang kabataan ang pag-asa ng bayan kaya’t dapat lamang na sa maagang edad ay may sapat na silang kaalaman upang labanan ang iligal na droga.
Sa pag-aaral, ipinakita sa mga estudyante ang masamang epekto ng illegal drugs. Giit ni Estrada, dapat na pagtuunan ng pansin ng lahat ng sektor at organisasyon ang usapin ng iligal na droga dahil isa ito sa seryosong problema ng bansa.
“Drugs kill. Drugs ruin lives. Drugs will destroy the future – your future and the future of our nation,” ani Estrada sa mga nagtapos.