MANILA, Philippines - Dalawang araw matapos ang pamamaslang sa isang babaeng pulis Maynila, niratrat naman ng riding in tandem ang magkapatid na sinasabing ‘persons of interest’ sa pamamaslang sa una na agad namang ikinasawi ng isa sa mga ito, kamakalawa ng gabi sa Sta. Cruz, Maynila.
Idineklarang dead on arrival sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) si Jefferson Li, 34, tricycle driver, ng Estero De San Lazaro, Sta. Cruz, Maynila na nagtamo ng maraming tama ng bala ng baril sa katawan habang ginagamot naman sa naturan ring ospital ang kapatid nitong si Gerard Li, 24, na tinamaan ng bala sa kanang paa.
Sinasabing nadamay din at tinamaan ng ligaw na bala si Magdilino Futol, 40, vendor, ng Sta. Cruz, Maynila.
Ayon kay SPO2 Joseph Kabigting ng Manila Police District-Homicide Section boluntaryong sumuko sa pulisya ang magkapatid na Li matapos na malaman na sila ay suspek o “persons of interest” sa pananambang kay PO1 Jorsan Marie Alafriz, 25, nakatalaga sa Barbosa Police Community Precinct noong Linggo ng gabi. Kasama ng magkapatid ang kanilang inang si Susan at kalive-in ni Gerard.
Sinasabing may kinalaman sa illegal drugs ang pagpaslang sa baguhang pulis, makaraang magbigay ito ng listahan ng kilalang mga drug personalities sa Sta. Cruz.
Dahil naman sa walang ebidensiya agad ding pinauwi ang magkapatid at sumakay ng kanilang motorsilo, habang sumakay naman ng taxi ang kanilang ina at live-in partner ni Gerard.
Habang sakay ng kanilang motorisklo ang magkapatid, ay sinundan naman ito ng riding in tandem saka pinagbabaril.
Nabatid na nalaglag sa motorsiklo si Jefferson at nakatakbo subalit pinagbabaril pa rin ito ng mga suspek. Itinakbo pa rin sa JRMMC si Jefferson subalit hindi na ito naisalba pa.
Sa kabila ng tama sa paa, nakahingi naman ng tulong sa kalapit na police outpost si Gerard at agad itong dinala sa nabanggit na ospital.
Samantala, sa Mary Chiles Hospital naman isinugod si Futol na tinamaan ng ligaw na bala.
Nagsasagawa pa rin ng follow up investigation ang pulisya sa motibo ng riding in tandem.