Para trapik maibsan
MANILA, Philippines - Upang masolusyunan ang matinding trapik sa Baclaran, planong limitahan na ang oras ng pagtitinda sa paligid ng simbahan sa Parañaque City.
Ito ang panukala ni Senior Supt. Jemar Modequillo, hepe ng Parañaque City Police sa pamahalaang lungsod.
Kasabay ng mungkahi nito, na maglagay na lamang ng night market sa Baclaran bilang solusyon sa matinding trapik lalo na tuwing rush hour.
Ayon kay Modequillo ang mga vendors ang pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng matinding trapik sa lugar na pinapalala pa ng mga illegal na terminal, maging ng mga nagbababa at nagsasakay na pampublikong sasakyan sa mga ipinagbabawal na lugar.
Sa ilalim ng panukala ng Parañaque City Police, tuwing umaga ay isasara ang mga tindahan sa gilid ng simbahan para maging tuluy-tuloy ang mga motorista at maaari lamang magtinda tuwing alas-10:00 ng gabi hanggang alas-6:00 ng umaga.
Giit pa ni Modequillo, ang nasabing panukala ay isa sa mga solusyon ng trapik sa Baclaran na matagal nang problema, partikular na sa bahagi ng Roxas Boulevard.
Planong makipagpulong ng pulisya sa konseho ng lungsod ng Parañaque upang maisulong ang naturang panukala.