Chinese national niratrat, utas

MANILA, Philippines -  Isa na namang Chinese national ang pinagbabaril at napatay ng hindi pa nakikilalang salarin, kamakalawa    ng gabi sa Parañaque City.

Sa pamamagitan ng  dri-vers license nakilala ang biktima na si Ben Chua, 42, residente ng Dasmariñas St., Binondo Maynila na nagtamo ng maraming tama ng bala ng baril sa katawan.

Ayon sa report na natanggap ni Police Senior Supt. Jemar Modequillo, hepe ng Parañaque City Police, naganap ang insidente alas-9:30 ng gabi sa kahabaan ng Pacific Avenue, Brgy. Dongalo ng naturang siyudad.

Nabatid sa ilang saksi, nakita nila ang isang  SUV na walang plaka, na sakay ang biktima na ginigitgit ng isang kulay puting Innova at isang puting van, na hindi  naplakahan at ilang segundo pa ay nakarinig sila ng ilang putok ng baril.

Hanggang sa dito na nga natagpuan ang SUV na nakasampa sa gutter at nakabulagta ang biktima.

Dito rin nakita na mabilis na tumakas ang dalawang puting sasakyan na kinalululanan ng  mga suspect.

Narekober ng  Scene of the Crime Operative (SOCO) ng Southern Police District (SPD)  ang ilang basyo ng bala at nakuha rin sa bulsa ng nasawing biktima ang isang plastic sachet na hinihinalang  shabu.

Blanko ang pulisya sa insidente dahil walang nakakabit na CCTV camera sa pinangyarihan ng insidente.  

Show comments