7 kotong cops, sibak sa puwesto

MANILA, Philippines -  Sibak sa puwesto ang pitong pulis ng Manila Police Dis-trict na inireklamo nang pangongotong ng mga vendor sa Ermita, Maynila na nagsagawa ng kilos protesta sa harapan ng Manila Police District (MPD) headquarters, inulat kahapon

Ayon kay MPD Director Chief Supt. Joel Coronel pinag-re-report sa MPD-Headquarters  sa loob ng 24 oras sina SPO2 Marvin Velasquez, SPO2 Rommel Alfaro, PO3 Leo De Jose, PO3 John John David PO2 Romeo Rosini, PO1 Ronie Boy Alonzo at PO1 James Paul Cruz  para sagutin ang reklamo laban sa kanila.

Batay sa ulat ng MPD General Assigment Section inatasan din ang mga pulis na i-surender ang kanilang mga armas at badges habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Nabatid na nakipag-diyalogo kay Coronel ang mga miyembro ng Kadamay at United Vendors Alliance (UVA) kung saan iprinisinta ang mga larawan at video ng pango­ngotong ng mga pulis.

Sigaw ng mga vendors, 21-taon na silang nagtitinda sa Kalaw St. subalit  ngayon lamang umano sila nakaranas ng pangongotong sa mga pulis. Hindi umano nila matiis ang pang-aapi  ng mga tauhan ng MPD Station 5 samantalang  naghahanapbuhay sila ng marangal.

Sa salaysay ng mga vendors inoobliga umano sila ng mga pulis na magbigay ng P200 kada araw. Masyado umano itong mabigat at halos kapos na sila sa kanilang pangangailangan.

Kakausapin din ni Coronel ang mga vendors sa  National Park Development Committee, Manila City Hall,  at barangays nang sa gayon ay makapagreklamo ang iba pang mga vendors na biktima rin nang pangongotong.

Show comments