MANILA, Philippines - Isang 15-anyos na high school student ang umano’y dinukot ng isang grupo ng mga kalalakihang lulan ng isang van, Linggo ng hapon sa Taguig City.
Kinilala ang biktima na itinago sa pangalang Liza, 2nd year high school sa Central High School ng naturang lungsod.
Linggo ng hapon umano ng dukutin ang dalagita ng isang grupo ng hindi kilalang mga kalalakihan, na nakasakay sa L-300 van sa kahabaan ng MLQ Road, Taguig City.
Ayon sa pahayag ng lola ng biktima na si Marites Laurora, 51, ng Brgy. Lower Bicutan, alas-5:00 ng hapon nitong nakaraang Linggo ay nagpaalam sa kanya ang apo na magsisimba lamang.
Subalit, sumapit ng alas-8:00 ng gabi ay hindi pa umuuwi ang dalagita, dahilan upang tawagan ito ng kanyang lola sa cellphone, subalit hindi ito makontak.
Maghahatinggabi ay nag-text kay Aling Marites ang apo, na sinasabing may dumukot sa kanyang mga kalalakihan at dinala siya sa isang bahay na may mga talahiban na may mga kasing edad din siyang kasama.
Bukod pa rito, nakatanggap pa rin sila ng mensahe mula sa cellphone ng dalagita, na hinahap nito ang kanyang tiyahin na si Annie Carlos na kapatid ng kanyang ina.
Kung saan nagtataka si Aling Marites, na bakit magte-text ang kanyang apo samantalang ang tiyahin nitong si Carlos ay nasa kanilang bahay.
Inatasan ni Police Chief Supt. Tomas Apolinario Jr., director ng Southern Police District (SPD) si Senior Supt. Allen Ocden, hepe ng Taguig City Police na magsagawa ng masusing imbestigasyon hinggil sa insidente.