MANILA, Philippines - Tumanggi si detained Senator Leila de Lima na magpasok ng plea sa Quezon City court matapos siyang basahan ng sakdal, kaugnay ng kasong paglabag sa Article 150 ng Revised Penal Code na may kinalaman sa kanyang disobedience to summons case, kahapon ng hapon.
Ang kaso ay nag-ugat nang payuhan ni de Lima ang dating driver/lover nito na si Ronnie Dayan na magtago at huwag dumalo sa ipinatawag na pagdinig ng Kongreso na may kina-laman sa bentahan ng illegal drugs sa National Bilibid Prison (NBP).
Bunga nito, mismong si QC Metropolitan Trial Court branch 34 Judge Ludmila De Pio Lim na lamang ang nagpasok sa kanya ng ‘‘not guilty plea’’.
Sinabi ni Atty. Philip Sawali, abogado ni de Lima, hindi nagpasok ng plea ang kliyente dahil walang kapangyarihan ang QC court na duminig sa kanyang kaso.
Sinabi ni Sawali na nananatiling kalmado si de Lima kahit na alam nitong ito ang ganti ng mga pasa-ring at paglaban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Pasado ala-1 ng hapon kahapon dumating sa QC court si de Lima. Sa entrance lobby pa lamang ng korte ay sinalubong na sya ng kanyang mga supporters na may hawak ang placard na ‘‘Free Leila’’.
Nagtungo rin naman sa QC court pero hindi pumasok ng courtroom ang ilang miyembro ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na isa sa nagsampa ng kaso kay de Lima.
Matapos ang arraignment, agad namang naibalik ng mga tauhan ng QC police si de Lima sa PNP Custodial Center kung saan siya nakakulong.
Itinakda ni Judge Lim ang susunod na pagdinig sa April 26 alas-2 ng hapon.