Frat member tinodas ng siga

MANILA, Philippines -  Isang 27-anyos na mi-yembro ng Tau Gamma Phi fraternity na kilalang siga ang nasawi nang saksakin ng 18-anyos na kalugar na siga rin sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling araw.

Hindi na umabot ng buhay sa Tondo Medical Center dahil sa dalawang tama ng saksak sa dibdib at collar bone area ang biktimang si Jason Francisco, residente ng Building 28, Unit 515, Permanent Housing, Tondo, Maynila.

Pinaghahanap na ang itinuturong suspek na si Rodelio Mamucod  alyas “Iyong”, ng Purok 6, Alley III, Permanent Housing, Tondo, Maynila.

Sa ulat ni PO3 Roderick Magpale ng Manila Police District-Homicide, naganap ang insidente dakong ala-1:30 ng madaling araw sa harapan ng Building 22, Permanent Housing, Tondo.

Nakikipagkuwentuhan umano ang biktima sa mga kaibigan nang biglang sumulpot ang suspek at walang sabi-sabing inundayan ito ng magkakasunod na saksak.

Nakatakbo pa ang biktima upang umiwas subalit agad ding bumagsak sa tapat ng Building 28 kaya isinugod ng mga kaibigan sa nasabing ospital habang tumakas naman ang suspek.

Batay sa nakalap na im­­pormasyon, inunahan na umano ng suspek ang  biktima dahil nakatanggap umano ng balita ang una na hinahanting siya ng  huli. 

Show comments