4 sunud-sunod na pinabulagta sa Marikina

MANILA, Philippines -  Sunud-sunod na itinumba ng mga hindi pa naki­kilalang mga suspek ang apat na katao sa magkakahiwalay na lugar sa Brgy. Malanday, Marikina City, kamakalawa ng gabi.

Ang mga biktima ay sina Michelle Mergillano­, Michael Vitalico, Emilio Lamsen III at Bernie Subu­ngan, pawang residente ng Barangay Malanday.

Sa ulat ng Marikina City Police lumilitaw na unang napatay ng mga hindi pa nakikilalang­ mga suspek si Mergillano, dakong alas-7:30 ng gabi sa loob ng kanyang tahanan sa Libis, Bulelak. Nakarinig ng mga putok ng baril ang mga kapitbahay ni Mergillano at nang kanilang tingnan ay nakita ang suspek na papatakas, lulan ng motorsiklo.

Bigo naman ang mga ito na makilala ang sa­larin dahil nakasuot ito ng helmet. Ganap na alas-7:45 ng gabi nang patayin si Vitalico sa loob ng kanyang tahanan sa Minahan Interior sa nasabi pa ring barangay habang nanonood ng telebisyon.

Nasa pitong suspek na lulan ng pitong motor­siklo at nangakasuot ng helmet at maskara, ang magkakasamang nagtungo at pwersahang pinasok ang tahanan ng biktima, sa pamama­gitan nang pagsipa sa pintuan nito.

Nang makapasok ay kaagad nang pinagba­baril ng mga suspek ang biktima na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.

Nakikipanood naman si Lamsen ng telebisyon sa kanyang kapitbahay dakong alas-8:03 ng gabi, sa covered half court sa Kabayani Road, Purok 3, Barangay Malanday, nang pagbabarilin ng dalawang suspek, na lulan ng dalawang motorsiklo na walang plate number at kapwa nakasuot ng helmet, jacket at maskara.

Matapos lamang ang pitong minuto, o pagsapit ng alas-8:10 ng gabi, ay naganap naman ang pamamaril kay Subungan, sa Sunflower Street sa Barangay Malanday.

Nakikipagkwentuhan ang biktima sa kanyang mga kaibigan sa lugar nang hintuan ito ng mga suspek, na lulan ng mga motorsiklo na walang plate number at kaagad na pinagbabaril.

Kahit sugatan ay nagawa pa ng biktima na makatakbo patungo sa Romanzivia Street, ngu­nit nawalan na rin ito ng malay.

Ayon sa pulisya, anggulong illegal na droga ang tinitingnan nilang motibo sa  magkakasunod na krimen dahil pawang kasama ang mga biktima sa kanilang drug watchlist.

Gayunman, aalamin pa rin kung posibleng may iba pang motibo ang magkakasunod na pagpatay at kung posibleng iisang grupo lamang ang may kagagawan ng krimen.

Show comments