MANILA, Philippines - Tatlong kalalakihan ang nadakip matapos pagtulungang bugbugin, nakawan at agawan ng baril ang isang pulis sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Nilalapatan ng lunas ngayon sa Fatima Hospital sanhi ng mga tinamong pinsala sa ulo at katawan ang biktimang si PO2 Rico Valenzuela, nakatalaga sa Valenzuela City Police.
Nakakulong naman sa Valenzuela City Police ang mga suspect na sina Danilo Lorenzo; pamangkin nitong si Rhoniel Lorenzo at Ryan Danil Gabriel, pawang nasa hustong gulang.
Naganap ang insidente alas-8:45 ng gabi, sakay ang biktima ng kanyang motorsiklo habang tinatahak ang kahabaan ng Santolan Road, Gen. T. De Leon nang bigla na lamang itong banggain ng motorsiklong minamaneho ni Rhoniel at angkas nito ang kanyang tiyuhin. Sa halip na huminto, tumakas ang magtiyuhin na naging dahilan upang habulin ito ng biktima hanggang sa makorner ang mga ito malapit sa isang mall bago nagpakilala itong pulis.
Subalit, bigla na lamang pinagtulungang bugbugin ng mga suspect ang biktima at nang ilabas ng pulis ang kanyang service firearm ay inagaw ito ni Danilo bago paulit-ulit na pinalo sa ulo ng pulis.
Itinutok din ng suspect ang baril sa biktima bago kinalabit subalit, hindi ito pumutok na naging dahilan upang tumakbo si P02 Valenzuela para iligtas ang sarili.
Subalit, hinabol pa rin ito ng tatlo hanggang sa bumagsak ito sa semento bago kinuha ni Gabriel ang cellphone ng pulis.
Pagkatapos ng isang oras, ni-report nina Danilo at Rhoniel ang insidente sa PCP-2 at sinabi ng mga ito na binugbog sila ng lalaking armado ng kalibre .9mm na baril subalit, nagawa umano nilang maagaw ang armas nito.
Gayunman, nang i-reviewed ng pulisya ang kuha ng close circuit television (CCTV) camera na nakakabit sa naturang lugar, nalaman na kabaliktaran ang pahayag ng mga suspect. Dahilan upang arestuhin ang magtiyuhin habang nabawi naman ang cellphone ng biktima kay Gabriel na nadakip sa follow-up operation.