MANILA, Philippines - Inoobliga ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga organizer ng mga events tulad ng rally, fun run at concert, na magsumite sa kanila ng comprehensive traffic management plan upang hindi makadagdag ng mabigat na daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan sa Kalakhang Maynila.
Inanunsiyo ito kahapon ni MMDA General Manager Tim Orbos.
Ayon kay Orbos isa sa layunin ng hakbangin ay upang matiyak ang bilang ng mga traffic enforcer na itatalaga sa mga lugar na apektado ng fun runs, rallies at concerts.
Sinabi ni Orbos, kailangan aniyang magsumite sa kanila ng comprehensive traffic management plan ang mga organizer isang linggo bago maganap ang kanilang events.
Partikular na tinukoy nito ang mabigat na daloy ng trapiko sa EDSA lalu na sa area ng Cubao patungong Buendia.
Kung saan nitong nakaraang Martes, hindi aniya inimpormahan ang ahensiya sa isinagawang major concert sa Araneta Coliseum.
Matatandaan, na noong nakaraang taon, nabatid na ang Metro Manila Council (MMC), ang policy making body ng MMDA, na kinabibilangan ng mga Metro mayors ay nag-isyu ng Resolution Number 16-07 para sa regulasyon hinggil sa pag-o-organize ng mga fun run at iba pang events sa Roxas Boulevard.