1,280 dagdag na tauhan sa PDEA isasabak kontra droga
MANILA, Philippines - Ngayong nasa kamay na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pagsasagawa ng mga anti-illegal drug operation katulad ng‘ Oplan Tokhang’ na dating hawak ng PNP, dadagdagan ng ahensiya ang bilang ng kanilang mga ahente na sasagupa kontra illegal drugs sa bansa.
Ayon kay PDEA Director General Isidro S. Lapeña mangangailangan sila ng karagdagang 1,280 regular plantilla positions na naaprubahan ng Dangerous Drugs Board (DDB) resolution para maging kaisa ng organisasyon partikular sa larangan ng intelligence at investigation.
“The approved modifications in the organizational structure and staffing pattern of PDEA will be endorsed to the Department of Budget and Management (DBM) for appropriate and immediate action,” pahayag ni Lapeña.
Ang PDEA ay may limitadong workforce na 2,271 regular-plantilla positions ng mga tauhan na kasalukuyang nakakalat sa ibat- ibang tanggapan sa bansa.
Sa naturang bilang, ang 1,274 ay mga Drug Enforcement Officers (DEOs) na nagsisilbing mga front liners para sa anti-drug campaign, 761 ay bilang mga administrative personnel at 236 ay mga technical personnel.
Anya, bunga ng naaprubahang pagdaragdag ng tauhan, ang resolusyon ng DDB ay magbubunsod din ng paglikha sa bagong PDEA Counter Intelligence Service na may tatlong division tulad ng Internal Counter-Intelligence, External Counter-Intelligence at Security Division na pangangasiwaan ng 24 na tauhan.
Ang kasalukuyang Counter-Intelligence and Security Division ng PDEA Intelligence and Investigation Service (PDEA-IIS) ay papalitan ng Financial Investigation Division (FID) na may 11 tauhan na hahabol sa mga money launderers laluna ng mga drug syndicates na nagagamit ang mga bangko at ibang regulated entities sa illegal drug transactions .
- Latest