MANILA, Philippines - Pito katao kabilang ang dalawang babae ang iniulat na nasawi sa magkakahiwalay na insidente ng pamamaril ng mga hindi nakikilalang salarin na hinihinalang mga vigilante na ang ilan ay naka-takip ang mukha sa loob lamang ng tatlong oras sa buong magdamag sa Quezon City.
Sa ulat na ipinarating kay Quezon City Police District (QCPD) Director P/Chief Supt. Guillermo T. Eleazar ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), nakilala ang mga nasawi na sina Jeffrey Villanueva, 28, may-asawa, BPSO volunteer ng Brgy. Commonwealth; Donnie Valenzuela, 28, isang alyas Ate, isang Mira Chua, Julius Asuncion, 28, pawang mga residente sa Area 2 Brgy. Old Balara; isang hindi nakikilalang biktima na nasa pagitan ng edad na 30-35, nakasuot ng kulay brown na t-shirt, asul na maong pants, sapatos, asul na relo, at tattoo sa kanyang kanang balikat na “Guard Yobix”, kaliwang balikat na “Rose”, at dibdib na “Rabbit”, “Heart” at “Penninsula” sa likod.; at Marvin Pio, 35, binata, driver ng Brgy. Capri, Novaliches, QC.
Base sa ulat, naganap ang unang pamamaril sa biktimang si Villanueva, sa may tabi ng outpost na matatagpuan sa kahabaan ng Bicol Leyte St., malapit sa kanto ng Metom St., Brgy. Commonwealth, QC, dakong alas -11 ng gabi. Kasalukuyan umanong naka-duty ang biktima at nakaupo sa lugar kasama ang kabarong sina Ruel Cordova, Ramos Carlo at Harold Maribao, nang dumating ang dalawang suspek na pawang sakay ng kani-kanilang motorsiklo at nakasuot ng helmet saka pinagbabaril ang una na agad na ikinasawi nito.
Matapos ang pamamaril ay agad na sumibat patakas ang mga suspek.
Dakong alas-12:00 ng madaling araw nang maganap naman ang pamamaril sa mga biktimang sina Valenzuela; isang alyas Ate, Mira Chua, at Julius Asuncion sa loob ng bahay na matatagpuan sa Area 5, Brgy. Old Balara, QC.
Dead on the spot ang tatlo sa mga biktima habang si Asuncion ay isinugod pa ng mga tanod sa East Avenue Medical Center para magamot subalit idineklara rin itong dead-on-arrival.
Sa pagsisiyasat narekober sa crime scene ang 11 piraso ng basyo ng bala ng kalibre .45, isang bala at isang tingga.
Ganap na alas alas-12:45 ng madaling araw nang pagbabarilin naman ang hindi nakikilalang biktima sa may kahabaan ng David St., California Subd., Brgy. San Bartolome, Novaliches.
Dakong alas-2 ng madaling araw nang pumutok naman ang balitang pamamaril sa biktimang si Pio sa may General Luis St., Brgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches QC.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente kung may kinalaman ang mga krimen sa iligal na droga.