MANILA, Philippines - Umabot ng halos sampung oras ang sunog na umabo sa tahanan ng 3,000 pamilya sa Parola, Tondo, Maynila, na nagsimula kamakalawa ng gabi at idineklarang fire-out kahapon ng umaga.
Nakapagtala din ng 21 kataong sugatan kabilang ang 16 na bumbero na nagtamo ng minor injuries.
Ayon kay Chief Insp. Marvin Carbonnel, fire marshal ng Manila Fire Bureau, dakong alas-9:41 ng gabi nitong Martes nang sumiklab ang apoy mula sa bahay ng isang Lola Adan.
Mabilis na kumalat ang apoy sa mga magkakadikit na kabahayan na pawang yari sa kahoy sa Area B, Gate 10, Parola, Tondo, na umakyat ang alarma sa Task Force Delta.
Nagkahirapan sa pag-apula ng apoy ang mga bumbero dahil masisikip ang mga daanan na nakaantala sa paglabas at pagpasok ng mga trak ng bumbero na naubusan ng tubig.
Dakong alas-7:25 ng umaga na kahapon nang maideklarang fire-out ang sunog.
Tinatayang nasa P6 milyon ang halaga ng napinsalang ari-arian at inaalam pa ang sanhi ng sunog.