MANILA, Philippines - Apat katao kabilang ang isang babae ang nadakip ng mga awtoridad dahil umano sa pagbebenta sa tatlong nene kapalit ng pakikipagtalik sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Malabon City Police deputy chief for administration Supt. Ariel Fulo ang mga naaresto na sina Karen Aquino, 21; Rey Rosal, 23; Jefrey Dela Cruz, 33 at Ericson Mariano, 33.
Ang mga suspect ay pawang nahaharap sa kasong paglabag sa R.A 10364 o Expanded Human Trafficking Act sa piskalya ng Malabon City.
Ayon kay Malabon Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD) investigator PO3 Lea Baldemoro, nagtungo umano ang tatlong nene na may edad 13 at 14- an-yos, pawang naka-tira sa Natividad St., Brgy. 8 Caloocan City sa bahay ni Aquino noong naka-raang Enero 5 ng taong kasalukuyan matapos silang kaibiganin nito.
Nabatid pa na kinuha ni Aquino ang loob ng tatlong menor de edad bago ibinenta sa kanyang mga parukyano.
Nagpatuloy umano ng ilang araw ang ginagawang sex slave sa mga biktima hanggang sa magawa ng mga ito na makatakas noong Miyerkules.
Subalit, muling bumalik ang tatlo sa bahay ni Aquino para kunin ang kanilang mga damit at mga personal na gamit.
Tumanggi sina Aquino at Rosal na ibigay ang mga gamit ng mga biktima, kung kaya’t humingi ng tulong ang tatlo sa mga barangay opisyal at mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 4 na naging dahilan upang arestuhin ang mga ito habang sina Dela Cruz at Mariano nadakip sa isang follow-up operation.