Beybi natusta sa Las Piñas fire

Sa report na natanggap ni FO3 Joel Pascua, ng Las Piñas City Bureau of Fire Protection nasa 100 kabahayan ang natupok sa naganap na sunog.
File photo

MANILA, Philippines – Patay ang isang sanggol na lalaki habang da­lawa pa ang nasugatan samantalang aabot sa 300 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog na naganap sa Las Piñas City, kamakalawa.

Sa report na natanggap ni FO3 Joel Pascua, ng Las Piñas City Bureau of Fire Protection nasa 100 kabahayan ang natupok sa naganap na sunog.

Nakilala ang nasawi na si Christian Jay Awitin, isang taong gulang na sinasabing naiwan ng kaanak sa nasusunog na bahay.

Sugatan din sa sunog sina Ronaldo Lamanilao, 50 at Alvin Castillo, 45, habang kapwa sila tumutulong upang apulain ang apoy.

Ayon sa imbestigasyon ni FO3 Pascua, nagsimula ang sunog ala-1:32 ng hapon  sa bahay na pag-aari ni Joselito Cuaderno na inuupahan naman ng ina ng sanggol na nasawi na si Christine, 26,  sa Satima Compound, Fatima Village, Brgy. Talon 2, Las Piñas City.

Mabilis na kumalat ang apoy at dahil sa dikit-dikit at gawa sa mga light materials.

Umabot ng Task Force Echo ang alarma ng sunog na ayon kay Pascua ay aabot ng P1.8 million  ang halaga ng mga ari-ariang napinsala. Pagsapit ng alas-7:32 ng gabi ay tuluyan ng naapula ang apoy.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang insidente at nagbigay naman ng ayuda ang pamahalaang lungsod ng Las Piñas sa mga nasunugan.

Show comments