MANILA, Philippines – Target ng Manila Police District ngayong taon ang mas mababang crime rate kung saan mas paiigtingin pa ang kampanya laban sa iba’t ibang krimen.
Sa ginanap na ika-116 anibersaryo ng MPD, sinabi ni MPD Director Chief Supt. Joel Coronel na mas pagbubutihin pa niya kasama ang buong puwersa ng MPD na mabigyan ng sapat na seguridad ang Manilenyo gayundin ang mga turista na nasa lungsod.
Ayon kay Coronel, mula sa 6,784 crime index noong 2015 bumaba ito sa 4,167 noong 2016 na indikasyon na puspusan ang ginagawang trabaho ng kanyang 4,652 tauhan.
Kabilang sa bumaba ng 38.58 percent ay armed robbery at hold-up, burglary, snatching at theft kung saan madalas itong nangyayari sa Divisoria, Binondo, Quiapo, Sta. Cruz, at University belt.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Coronel kay Manila Mayor Joseph Estrada sa suportang ibinibigay nito sa MPD.
Samantala, binigyan din ng parangal sa ginanap na MPD anniversary sina MPD-Station 11 chief, Supt, Amante Daro bilang Best Station Commander of the Year; MPD-Station 3 bilang Best Station of the Year sa pamumuno ni Supt. Santiago Pascual at Sr. Inp. Rommel Anicete bilang Best Police Commissioned Officer of the year.