‘No weekday’ sale ng malls, ipatutupad buong taon

Bukod dito, pananatilihin din ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang polisiya na sa gabi lamang ang pagde-deliber sa lahat ng malls upang hindi makadagdag sa bilang ng sasakyan ang mga deli­very vans tuwing araw lalo na kapag rush hours.
File photo

MANILA, Philippines – Buong taon ngayong 2017 ipapatupad ang pagbabawal sa pagsasagawa ng sale tuwing weekdays ng mga shopping malls sa Metro Manila bilang tulong pa rin sa pagpapaluwag ng daloy ng trapiko.

Bukod dito, pananatilihin din ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang polisiya na sa gabi lamang ang pagde-deliber sa lahat ng malls upang hindi makadagdag sa bilang ng sasakyan ang mga deli­very vans tuwing araw lalo na kapag rush hours.

Sinabi ni MMDA Chairman Tim Orbos na puma­yag na ang mga may-ari at operators ng malls sa isinagawa nilang konsultas­yon sa kanilang tanggapan sa Makati City nitong Biyernes ng hapon bilang kontribusyon umano nila sa pagpapaluwag sa daloy ng trapiko.

Pinasalamatan ni Orbos ang mga mall owners at operators sa kahandaan na magsakripisyo at pagiging handa para maging parte ng solusyon.

Hinikayat din ng MMDA ang mga mall operators na magkaroon ng sarili nilang “traffic management plan” kung saan handang isailalim ng MMDA ang kanilang mga security personnel sa traffic management.

“We will train them on traffic management and have them deputize so they can issue traffic violation receipts to erring motorists within their areas of jurisdiction.  This will also be a big help for us to control traffic in these areas,” ani Orbos. (Danilo Garcia)

 

Show comments