Programa sa ‘Happy Land’ “Pera sa Basahan” bagong kabuhayan
MANILA, Philippines - Muling nagkaroon ng pangkabuhayan ang mahirap na komunidad ng “Happy Land” sa Tondo, Maynila, matapos na ilunsad ng Rock Energy International Corp. (REIC) ng isang programang pangkabuhayan para sa mga residente na tinatawag na “Pera sa Basahan”.
Sinimulan ng REIC ang kanilang “Pera sa Basahan” nitong Disyembre 9 ayon sa Managing Director nito na si Carl Fontanila, ay mabilis na naging matagumpay.
“Nakita namin na malaki ang demand sa basahan ng REIC at ng mga kompanya dito sa Port Area, lalo na sa mga trabahador kaya naisip namin na gumawa na lang ng mga basahan at ibenta ito,” ani Fontanilla.
Apat na kababaihang residente ng Barangay 105 o ang tinaguriang “Happy Land” ang kanilang sinanay at binigyan ng sewing machines. Kumikita ng P400 kada araw ang apat na babaeng residente na nagpapatakbo ng kanilang backyard business.
Ang REIC ay isang trading and logistics firm na nakabase sa Port Area. Nagsu-supply sila ng coal sa iba’t ibang kumpanya bilang alternatibong energy source sa kanilang mga pabrika. Ito rin ang nagpapatakbo ng 1.5-ektaryang coal storage facility sa Vitas Industrial Estate sa Vitas malapit sa Barangay 105.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Fontanilla na nagsasanay na sila ng ilan pang kababaihan sa pagtahi ng mga damit upang mapalawak pa ang naturang programang pangkabuhayan.
- Latest