Pinayuhan ng Manila Police District-Traffic Enforcement Unit ang mga motorista na umiwas sa mga kalyeng daraanan ng prusisyon sa Tondo at Pandacan, ngayong araw ng Pista ng Santo Niño.
Ngayong alas- 6:00 ng umaga ay isasagawa ang Grand Procession ng Sto Niño De Tondo Fiesta 2017.
Dahil dito , inaasahan na ang pagbabara ng mga kalsada dahil sa mahabang prusisyon kaya’t may rerouting sa Tayuman St., Raxa Bago St., Moriones St., R-10 .
Una nang idinaos kahapon alas- 8:00 ng umaga ang Lakbayaw Festival o prusisyon ng mga Santo Niño mula sa Santo Niño De Tondo Parish.
Binaybay nito ang Ylaya St, CM Recto na bahagi ng Tondo, Moriones, Juan Luna at iba pang mga kalye na daraanan pabalik ng Santo De Niño De Parish.
Maraming mga pulis ang nakabantay sa prusisyon para sa seguridad.
Sa bahagi naman ng Pandacan na kasabay din ang pagdiriwang ng Pista ng Sto., Niño, alas -2:00 ng hapon kahapon ay isinagawa ang Buling Buling Festival.
Nagsimula ang parada sa Liwasang Balagtas at isinara sa trapiko ang Jesus St. mula sa Quirino Avenue hanggang Claudio St., gayundin ang East Zamora St.mula sa Quirino Ave. hanggang Kahilum St.
Inaasahan din ang mga aktibidad sa kalye sa araw na ito sa Pandacan para sa selebrasyon ng mga residente.