MANILA, Philippines – Nasa 34 na trak ng basura ang nahakot ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) mula sa mga kalat na iniwan ng mga deboto sa Traslacion ng Itim na Poong Nazareno noong Lunes.
Ayon kay Francis Martinez, head ng MMDA Metro Parkway Clearing Group, nabatid na ang 34 trak ng basura na nakolekta ay nasa 718.02 cubic meters, na may 202 tons ang bigat.
Kumpara aniya noong nakaraang taon, 2016, nasa 739.20 cubic meters ang nahakot, na may 210 tons ang bigat.
Ang massive clean-up operation ay sinimulang isinagawa noong Sabado sa traditional na ‘pahalik’ sa Quirino Grandstand.
Ayon kay Martinez, nasa 400 street sweepers ang kanilang itinalaga sa mga kalyeng apektado ng prusisyon.
Karamihan sa mga nakolektang basura ay mga tirang pagkain, boteng plastic, candy at biscuit wrappers at mga plastic bag.
Sa kabila nang mahigpit na paalala ng MMDA, na huwag magkalat ng basura, maraming matitigas na ulong mga deboto ang walang humpay sa pagtatapon.