MANILA, Philippines – Nahaharap ngayon sa kasong robbery homicide ang isang lalaki makaraang umamin sa pulisya na siya ang responsable sa pagkamatay ng kanyang 70-anyos na amo na may-ari ng isang resort sa Valenzuela City.
Nakaditine ngayon sa Valenzuela City Police Detention Center ang suspek na si Carlos Angeles, 22, stay-in caretaker ng Buenas Diaz Resort sa Brgy. Marulas. Nakilala naman ang biktima na si Maximo Diaz, Sr., nakatira sa naturang resort.
Base sa ulat, natagpuan ang bangkay ni Diaz sa loob ng kanyang kuwarto sa resort nitong nakaraang Linggo ng umaga. Unang pinaniwalaan ng pamilya ng biktima na nasawi ang matanda dahil sa atake sa puso habang natutulog.
Ngunit sa imbestigasyon ng pulisya, napansin na may mga pasa at galos sa mukha at leeg ang biktima kaya nagkaroon ng pagdududa sa dahilan ng pagkamatay niya. Ipinasyang isailalim naman sa mas masusing pagtatanong si Angeles nang mapansin ng mga kaanak ng biktima ang kakaibang ikinikilos nito.
Sa interogasyon ng pulisya, inamin ni Angeles na napatay niya ang matanda ngunit hindi umano niya ito sinasadya. Salaysay niya, nagtalo sila ng biktima nang tumanggi ang matanda na pautangin siya ng P500 hanggang sa masuntok niya ito at tumama ang ulo sa matigas na bagay dahilan para mawalan ng malay.
Nadiskubre naman sa posesyon ng suspek ang P40,000 halaga ng salapi na hinihinalang ninakaw ng suspek buhat sa biktima.