MANILA, Philippines – Tiniyak ng pamunuan ng Manila Police District Plaza Miranda PCP na malinis na ang lugar ng Quiapo mula sa bentahan ng ‘‘Cytotec’’.
Sa panayam kay Plaza Miranda PCP commander Chief Insp. John Guiagi, ang pagkaubos sa bentahan ng ‘‘cytotec’’ ay bunsod ng kanilang walang humpay na operasyon laban sa mga nagbebenta at bumibili nito.
Ang ‘cytotec’ ay isang tablet na ginagamit ng mga nais na magpalaglag ng sanggol sa kanilang sinapupunan.
Nabatid kay Guiagi na maging ang mga ibinebentang herbal medicine at pamparegla ay kanila ng kinukumpiska at sinisira dahil binibigyan nito ng pagkakataon ang consumers na gumawa ng isang maling desisyon at labag sa kautusan ng Diyos.
Wala aniyang lugar sa Quiapo, partikular sa paligid ng Quiapo church ang mga ganitong uri ng gamot dahil lantarang labag sa itinuturo ng Simbahan.
Binigyan diin ni Guiagi na kung mayroon man silang namo-monitor na bentahan, agad nila itong isinasagawa upang mapigilan at masampahan ang responsible.