MANILA, Philippines – Isang batang babae ang hinihinalang nakalimutang gisingin at ilabas ng sasakyan mula sa pamamasyal ang natagpuang patay makalipas ang isang araw sa Baseco, Port Area, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Wala ng buhay nang matagpuan ang bikti- mang si Jana Jumanda, 8, grade 3 pupil sa Benigno Aquino Elementary School at residente ng Block 15-B, Brgy. 649, District V, Baseco.
Dahil sa insidente nakapiit na sa Manila Police District-Homicide Section ang driver ng sasakyan at tiyuhin ng biktima na si Victor Papa, residente ng lugar, para sa ihaharap ng reklamong negligence at reckless imprudence resulting in homicide.
Sa ulat ni SPO4 Glenzor Vallejo ng Homicde Section, dakong alas-8:00 ng gabi kamakalawa nang matuklasan ang biktima sa likurang bahagi ng kulay gray na KIA Picanto (AA1-5704) habang nakaparada malapit sa bahay ni Papa.
Nabatid na bago matagpuang patay ang biktima, kasama siya ng mag-asawang Victor at Joan Papa na tumatayong guardian niya at iba pang pamangkin sa pamamasyal noong Enero 3.
Hindi umano pag-aari ni Victor ang kotse na hiniram lamang sa kaniyang bayaw na malapit sa kanilang bahay sa Block 14.
Ilang oras ang pamamasyal hanggang sa magsiuwian na sila at isinoli na ni Victor ang sasakyan.
Tinakpan pa ang sasakyan ng canvass na lona at natulog na sila.
Sa sobrang pagod marahil ay hindi na napansin ang kaniya-kaniyang baba ng sasakyan at hindi natiyak kung kumpleto ang bumaba.
Nang hanapin ang bata kinabukasan ay hindi nila matagpuan hanggang sa tanungin ang isang babaeng pinsan na 6-na taong gulang na nagsabing posibleng naiwan umano sa loob ng kotse ang biktima na katabi niyang nakatulog habang sila ay nagbibiyahe.
Sa puntong iyon ay agad inalam ang kinaroroonan ng bata at nakitang patay na ito.
Nabatid na hindi na lumulutang ang mga magulang ng biktima sapul pa noong 2 taong gulang pa lamang ito kaya tumayong guardian niya ang suspek at misis na si Joan, na kapatid ng biological father ng biktima.