MANILA, Philippines – Dalawang bangkay ng hindi kilalang kalalakihan na tadtad ng bala nang ibaba ito mula sa isang kotse ng hindi pa nakikilalang mga suspect, kahapon ng madaling araw sa Brgy. Palingon Tipas, Taguig City.
Inaalam pa ng Taguig City Police ang pagkakakilanlan sa mga biktima, na tinatayang nasa 30 hanggang 40-anyos, nakasuot ng maong pants, puting t-shirt at katamtaman ang pangangatawan, kapwa nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa katawan.
Sa report na natanggap ni Chief Supt. Tomas Apolinario, director ng Southern Police District (SPD), ala-1:00 kahapon ng madaling araw nang matagpuan ang bangkay ng mga biktima sa Cayetano Avenue, Brgy. Palingon Tipas, Taguig City.
Lumalabas sa imbestigasyon, isang kulay puting sasakyan na walang plaka ang pumarada sa naturang lugar kung saan ibinaba ng tatlong kalalakihan ang duguang dalawang biktima na pinagbabaril pa uli at tiniyak na patay na ang mga ito bago iwan. Dalawang motorsiklo rin ang nasa lugar na pumutok din sa katawan ng dalawang biktima
Matapos ang pamamaril ay mabilis na nagsitakas ang mga suspect.
Kinumpirma ng barangay na hindi residente sa lugar ang natagpuang mga bangkay ng lalaki, patuloy pa ring nagsasagawa ng malalimang pagsisiyasat ang pulisya hinggil sa insidente.