MANILA, Philippines – Isang 30-anyos na lalakeng walang trabaho ang inaresto nang mang-hostage siya ng dalawang kaanak nang maburyong dahil sa pag-iisa nang iwanan ng asawa at mga anak sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang suspek na si Marvin Bacolod y Maanyag, residente ng Barangay Ilang-ilang, Guiginto, Bulacan na ipinagharap ng kasong se-rious illegal detention, paglabag sa Batas Pambansa 6 at resisting arrest.
Ligtas naman ang dalawang hostage na sina Solita Maanyag y Viray, 46, at Jenny Grefaldon y Maanyag, 26, kapwa residente ng no. 786 Gabriela St., kanto ng G. Perfecto st., Tondo.
Sa ulat ni P/Supt. Alex Daniel, hepe ng Manila Police District-Station 7, tumagal ang insidente mula alas-6:00 ng hapon ng Enero 1 hanggang sa alas-12:57 ng madaling araw ng Enero 2 nang arestuhin na sa bahay ng mga biktima ang suspek.
Nabatid na noong Disyembre 31, nang mangulit ang suspek nang dumating ito sa bahay ng mga biktima upang doon salubungin ang Bagong Taon.
Halata umanong depressed ang suspek dahil sa pag-iisip na nais makasama ang mga anak at asawa kinabukasan, sa mismong Bagong Taon, ikinulong niya ang dalawang babaeng kaanak habang may hawak na patalim na may 13 pulgada.
Nagbanta pa ang suspek na papatayin niya ang dalawang kamag-anak kung hindi papayag ang misis na magbalikan sila sa mismong araw na iyon.
Kaagad namang ini-report ni Barangay Chairman Roel Ilagan ng Barangay 52, Zone 4, ang insidente sa mga pulis kaya mabilis na rumesponde ang mga ito.
Mismong si Supt. Daniel ang nagsilbing ground commander sa lugar habang si Police Chief Inspector Manny Israel naman, ng Tayuman Police Community Precinct (PCP), ang nagsilbing peace negotiator, katulong si Ilagan.
Sa negosasyon, napapayag ng mga peace negotiator ang suspek na madisarmahan at isulat sa isang papel ang address ng kanyang asawa sa Bulacan, upang masundo ito, ngunit habang iniaabot ng suspek ang papel sa mga pulis ay kaagad na itong dinakma.
Tinangka pa umanong manlaban ng suspek sa mga awtoridad sa pamamagitan nang paggamit kay Jenny bilang human shield, ngunit malaunan ay naaresto rin.
Narekober ng mga pulis mula sa suspek ang isang stainless kitchen knife.