10 pasahero nasaktan
MANILA, Philippines – Sampung pasahero ang nagmistulang mga natumbang domino at pawang nasaktan makaraang magkaroon ng ‘‘sudden stop’’ ang isang escalator ng Metro Rail Transit (MRT-3) kahapon ng umaga.
Ayon kay General Manager Deo Manalo ng MRT-3, dakong alas-10:30 ng umaga nang biglang huminto ang papaakyat na escalator sa Taft Ave. Station sa Pasay City.
Nabatid na maraming pasahero ng MRT-3 ang sakay ng papaakyat na es-calator nang bigla itong tumigil na siyang dahilan para matumba at masaktan ang 10 sa kanila.
Ilan sa mga nasaktang pasahero ay nagtamo ng bukol sa ulo, gasgas, galos sa katawan at may dalawang napilayan.
Agad namang tinulungan at binigyan ng paunang lunas ng mga empleyado ng MRT-3 ang mga nasaktang pasahero.
Hindi na nagpadala sa hospital ang mga nasaktang pasahero matapos na sila ay mahimasmasan habang ang dalawa na kinilalang sina Irene Real Zerrudo, 23 ng Commonwealth Ave. Quezon City at Roberto Antonio, 33 ng Mandaluyong City ay kinailangan na turukan ng anti-tetanus dahil sa kanilang tinamong sugat sa siko, kamay at katawan.
Sinabi ni Manalo, iim-bestigahan pa nila ang dahilan ng biglaang pagtigil ng escalator at agad nitong iniutos sa kanilang maintenance crew ang mabilis na pagkukumpuni sa nagka-aberyang escalator.
Nagpahayag naman ng takot at matinding pagkadismaya ang maraming bilang na pasahero ng MRT-3 dahil hindi lamang ang mga tren ang tumitirik ngayon sa biyahe maging ang mga elevator at escalator nito ay nagkakaroon ng aberya.
Bago naganap ang escalator malfunction ay dalawang tren nito ang magkasunod na nagkaaberya kahapon ng umaga dahil sa technical problems.
Ang unang aberya ay naganap dakong alas-6:37 ng umaga sa southbound lane ng Santolan Anapolis station habang ang ikalawang aberya naman ay naganap dakong alas-9:08 ng umaga sa southbound lane ng Boni Avenue Station.
Ang MRT-3 ang siyang nag-uugnay sa Taft Avenue Station sa Pasay City at North Avenue Station sa Quezon City, via Epifanio delos Santos Avenue (EDSA).