MANILA, Philippines - Upang maiwasan ang ‘unholy alliance ‘sa mga nakapiit na drug lord at mga prison guards, nagdeploy kahapon ng panibagong 410 Special Action Force (SAF) troopers ang Philippine National Police (PNP) sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City .
Nitong Biyernes ng umaga, pinangunahan ni PNP Chief P/Director General Ronald “Bato’ dela Rosa ang deployment ng 410 mga bagong SAF troopers kapalit ng 310 mga SAF commandos na una nang pinagbantay sa nasabing piitan noong Hulyo 20 ng taong ito .
Ang SAF commandos ay itinalagang taga-bantay sa NBP upang sawatain ang illegal drug trade sa piitan gayundin ang pagpasok ng mga illegal na kontrabando.
“This is a system where we can avoid undue familiarity between the inmates and the SAF troopers, even if these men are highly disciplined…human as they are, there are still chances or possibility that they will give in, they might get tempted if they stay too long,” pahayag pa ng PNP Chief.
Sinabi ni dela Rosa na maaring manatili ang SAF troopers upang mangalaga sa seguridad at magbantay sa NBP hanggang kinakailangan ang mga ito
Inihayag ni dela Rosa na ang problema sa NBP ay sanhi ng kakulangan ng integridad ng mga dating nagbabantay dito kaya nagtake-over ang SAF commandos.
Sa kabila nito, aminado naman si dela Rosa na hindi sila sigurado kung 100 % na ng mga kontrabando partikular na ang cellular phone at illegal drugs na naipuslit sa NBP compound ng mga high profile inmates ay naharang at nasamsam ng mga SAF commandos .
Idinagdag pa ni dela Rosa na hindi masasawata ang smuggling ng mga kontrabando sa NBP hanggang hinahayaan ng mga opisyal na nangangasiwa dito ang pagpasok ng mga bisita kung saan ay dapat ang mga itong naghihigpit.