MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ng Public Commuters Motorists Alliance (PCMA) sa Land Transportation Office (LTO) at sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hulihin at paigtingin ang kanilang kampanya laban sa mga abusado at isnaberong taxi drivers ngayong holiday season.
Ang panawagan ay ginawa ni Jessie Santos, national president ng (PCMA) kina LTO Chief Edgar Galvante, LTO-NCR Director Atty. Cla-rence Guinto at LTFRB chairman Martin Delgra, matapos kumalat sa social media ang ginawang sapilitang pagpapababa sa mag-asawang senior citizen ng isang taxi driver kamakailan, gayundin ang pagbababa ng isang taxi driver sa isang lolo habang karga ang apo noong kasagsagan ang pag-ulan sa lungsod Quezon.
Ayon kay Santos, dapat maramdaman ng riding public ang tunay na serbisyo ng LTO at LTFRB lalu na sa Metro Manila upang hindi nabibiktima ng mga erring PUV drivers maging taxi, pampasaherong jeep, bus at iba ngayon panahon ng Kapaskuhan.
Una nang sinabi ni Director Guinto na magpapakalat siya ng mga tauhan sa mga lansangan lalu na sa mga malls at iba pang pamilihan upang ayudahan ang mga mananakay sa kanilang destinasyon.
Ang mga tauhan anya ay isinailalim sa isang intensive traffic refresher course upang matiyak na updated ang mga ito sa mga rules and regulations at guidelines hinggil sa Land Transportation Traffic Code (LTTC) maging ang tamang pamamaraan ng pakikipag- usap sa mga motorista na lumalabag sa batas trapiko at sa panghuhuli sa mga colorum vehicles ngayong holiday season.