MANILA, Philippines – Nakatakdang bawiin ng Manila Metropolitan Development Authority (MMDA) ang mga lupaing pag-aari nila na kinatatayuan ngayon ng mga pribadong establisimento para magamit nilang pasilidad upang maibsan ang masikip na daloy na trapiko sa ilang pangunahing lansangan ng Metro Manila.
Ayon kay MMDA Officer-In-Charge (OIC), General Manager Tim Orbos, padadalhan nila ng sulat sa susunod na linggo ang mga establisimentong nakatayo sa ilang bahagi ng Roxas Boulevard at Macapagal Avenue.
Ito ay matapos nilang madiskubre nitong nakaraang linggo na ang lupaing matatagpuan sa Southbound lane area ng Roxas Boulevard mula Pasay hanggang Parañaque City, na tinatayang nasa 3 ektarya ay pag-aari ng MMDA. Gayundin ang lupaing kinatitirikan ng Dampa o mga kainan sa may Macapagal Avenue, Pasay City ay pag-aari rin ng naturang ahensiya.
Nabatid kay Orbos, kapag nabawi nila ang naturang mga lupain, pwede nila itong magamit na pasilidad para lumawag ang daloy ng trapiko sa ilang pangunahing lansangan ng Kalakhang Maynila, partikular sa kahabaan ng Roxas Boulevard at Macapagal Avenue. Maaari nila itong gawing terminal, bike lane at alternatibong daanan sa mga motorista.