4 ‘tulak’ patay sa anti-drug ops sa Pasig, Quezon City
MANILA, Philippines – Apat na kalalakihan na sinasabing sangkot sa bentahan ng shabu ang nabaril at napatay ng mga operatiba sa magkahiwalay na drug operations sa Pasig at Quezon City.
Sinasabing nanlaban sa mga pulis sa isinagawang buybust ang ‘tulak na si Rodrigo Tuliao, ng Sitio Buli Creek, Brgy. San Miguel, Pasig City kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Sr. Insp. Diogenes Gaoen ng Station Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Group ng Pasig police, dakong alas-2:10 ng madaling araw nang magsagawa sila ng buy bust operation laban kay Tuliao dahil na rin sa impormasyon na kanilang natanggap na talamak pa rin ang ginagawa nitong pagbebenta ng bawal na droga.
Nabatid na nagkunwaring bibili ng droga si PO1 Ryan Christopher Mationg kay Tuliao pero natunugan nito na pulis ang kanyang ka-transaksiyon kaya binunot nito ang kanyang baril saka pinaputukan ang pulis pero hindi tinamaan.
Gumanti ng putok ang pulis at tinamaan sa katawan si Tuliao na nagresulta ng kanyang on-the spot na kamatayan.
Nakuha ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng insidente ang isang kalibre 38 baril na may bala, 1,000 mark money at pitong sachet ng hinihinalang ipinagbabawal na gamot.
Sa ulat ng Quezon City Police District -Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), nasawi sina Joel Cabasus, alyas “Joel”, 33; at Ruel Faron, kapwa residente ng Kalamyong St., Brgy. Payatas, Quezon City nang maka-engkwentro ang tropa ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Group (SAID-SOTG) na pinamunuan ni P/Chief Insp. Sandie Caparroso at P/Sr Insp. Jacinto Pascual IV, commander ng Police Community Precinct 5 base na rin sa inisyung search warrant ni Hon. Benalito Fernandez, executive Judge ng Regional Trial Court Branch 97, QC laban sa suspek na alyas “Joel”
Lumilitaw sa imbestigasyon ni PO2 Julius Raz na paparating ang mga operatiba ng SAID-SOTG sa lugar nang naispatan sila ng suspek na si Faron na nagsilbing look-out ni Cabasus, dahilan para maalarma ito at magtatakbo patungo sa bahay ng huli, dahilan para habulin siya ng mga operatiba.
Dito ay nagsisigaw si Faron ng “Joel may mga pulis” at pumasok sa loob ng bahay ni Cabasus saka kapwa nagbunot sila ng kanilang mga baril at pinaputukan ang mga operatiba na nagresulta palitan ng putok hanggang sa sila’y masugatan.
Idineklarang dead-on-arrival sa Quirino Memorial Medical Center ang dalawa dahil sa mga tinamong tama ng bala sa ulo at katawan.
Narekober ng SOCO sa bahay ang dalawang kalibre .45 pistola, mga tingga ng bala ng kalibre. 45, kalibre .9mm at kalibre 5.56 na baril; tatlong sachet ng shabu at mga drug paraphernalia.
Samantala, droga pa rin ang tinitignang anggulo ng mga awtoridad sa pamamaril ng riding-in-tandem sa isang tricycle driver sa Brgy. Payatas –A, Quezon City kamakalawa.
Si Gerald Tud, 36, ng 183 San Juan St., Brgy. Payatas A, QC. ay binaril sa may harap ng isang canteen sa San Juan Bautista St., malapit sa kanto ng Sto Niño St. Brgy. Payatas, QC, dakong alas-8:14 ng gabi.
Ayon sa saksi, nagbabantay siya ng kanyang mga paninda nang makita ang back rider ng isang motorsiklo na pinagbabaril ang biktima hanggang sa bumuwal ito sa kanyang tricycle.
Sa pagsisiyasat ng otoridad narekober ang limang basyo ng bala ng kalibre 45 baril, isang tingga at isang unit ng Kawasaki Barako na may side car at plakang TY7111.
Lumilitaw pa sa pagsisiyasat na base sa pahayag ng kinakasama ng biktima na si Jocelyn Pinca na shabu dependent ang una simula nang 10 taon nilang pagsasama.
Base sa cursory examination sa bangkay ng biktima, nagtamo ito ng mga tama ng bala sa mukha at ulo. Inaalam pa ng otoridad kung may kinalaman sa iligal na droga ang pamamaril.
- Latest