MANILA, Philippines - Tiniyak ni Manila Mayor Joseph Estrada na papanagutin niya ang sinumang opisyal sa lungsod, kasama ang barangay na mapapatunayang kumakanlong sa mga illegal vendors kaugnay sa kampanya ni Pangulong Duterte sa paglutas ng problema sa trapiko sa Metro Manila.
Ang paniniyak ay ginawa ni Estrada, kasabay sa pagbuo ng “traffic super body” na aniya’y istriktong magpapatupad ng batas-trapiko sa buong lungsod.
Ayon kay Estrada, hindi siya mangingiming sibakin at kasuhan ang sinumang opisyal ng barangay at city hall na protektor ng mga illegal vendors at illegal terminals na siyang dahilan ng pagsisikip ng kalsada.
Paliwanag ni Estrada, hindi lamang responsibilidad ng alkalde ang trapiko kundi ng mga opisyal ng pulisya at barangay.
Kamakailan lang ay naglabas ng “one-strike policy” si Estrada sa mga hepe ng police community precincts sa lungsod na hindi makikiisa sa road clearing operations ng lungsod. Aniya, sibak agad sa puwesto ang sinumang hahayaang dumami ang mga illegal vendors sa kanilang nasasakupan.
Ang ‘traffic super body’ ay binubuo ng mga miyembro ng Department of Public Safety (DPS), Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), Manila Police District-Traffic Enforcement Unit (MPD-TEU), Manila Tricycle Regulatory Office, Manila Barangay Bureau, City Treasurer’s Office, at Manila Action and Special Assignment (MASA).
Samantala, binigyan diin ni Manila Mayor Joseph Estrada na ok nna siya matapos na aminin na nagtungo nga siya sa ospital nang makaramdam ng pamamanhid sa kanyang kamay kamakalawa.
“It’s just a minor injury. In fact, I reported for work after that,” anang 79-year-old na si Estrada .
Ayon kay Estrada , malakas pa siya at handang tuparin ang kanyang pangarap na maibalik ang ganda ng Maynila kung saan tinagurian itong “Pearl of the Orient” at “Progressive Capital City of the country.”