MANILA, Philippines – Nag-inhibit ang isang hukom ng Maynila sa paglilitis sa kasong may kinalaman sa droga na isinampa laban kay Marine Lt. Col. Ferdinand Marcelino at sa Chinese niyang kasamahan na si Yan Yi Shou.
Matatandaang si Marcelino ay inaresto ng mga tauhan ng PDEA at Anti Illegal Drugs Group ng PNP sa pagsalakay na ikinasa ng mga awtoridad sa Sta. Cruz, Maynila noong Enero ng taong kasalukuyan.
Si Marcelino ay ipinagharap ng reklamong paglabag sa Section 11 at 26 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act na tumutukoy sa manufacturing at possession at conspiracy in the manufacturing of illegal drugs.
Sa kanyang tatlong pahinang kautusan na may petsang November 11, 2016, sinabi ni Judge Felicitas Laron-Cacanindin ng Manila RTC Branch 17 na si Cacdac ay kapatid ng kanyang matalik na kaibigan noong high school.
Pareho rin umano silang taga-La Union ni Cacdac at parehong nagtapos sa high school sa iisang eskwelahan.
Kaya para maalis umano ang mga pagdududa at ang pagiging patas niya sa paghawak sa kaso, minarapat niyang mag-inhibit na lamang alang-alang sa diwa ng katarungan.
Bago siya mag-inhibit, nauna na niyang iniutos ang pagsuspindi sa arraignment o pagbasa ng sakdal, gayundin ang pagpapaliban sa pag-iisyu ng mandamyento de aresto.