MANILA, Philippines – Dalawa-katao ang napaslang na sinasabing umiwas sa paninita ng pulisya matapos itong makipagbarilan sa naganap na magkahiwalay na operasyon ng mga tauhan ng Manila Police District Station 4 sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Unang napatay ang 24 anyos na si Glenn Morales ng Islamic Street, Quiapo, Maynila na nagtamo ng tama ng bala ng baril.
Sa ulat ni PO3 Dennis Turla ng MPD-Homicide Section, dakong alas-12:40 ng madaling araw nang magsagawa ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng nasabing presinto sa pangunguna ni P/Senior Insp. Ariel Ilagan nang mamataan sa eskinita sa panulukan ng Marquitos Street at Blumentritt Extension si Morales.
Tinangkang lapitan ng mga pulis si Morales para sitahin subalit ay biglang nagbunot ng baril at pinaputukan ang arresting team subalit mabilis na nakapagpaputok si PO1 Julius Jamero kaya bumulagta si Morales.
Nasamsam kay Morales ang cal. 38 revolver at 2 plastic sachet ng shabu.
Samantala, dakong alas-2:45 ng madaling araw nang mapatay naman sa harapan ng Esteban Abada High School sa Blumentritt Ext., Sampaloc ang motorcycle-rider na si Crispin Dacio, 26, ng #367 Algeciras Street Sampaloc, Maynila na nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan.
Sa ulat ni SPO4 Glenzor Vallejo ng MPD-Homicide Section, nagpapatrulya sina P/Chief Insp. Christian Dee Cacho at PO1 Aldrin Aviar lulan ng patrol car nang sitahin nila si Dacio dahil sa kawalan ng plaka at wala ring helmet habang nagmomotorsiklo.
Sa halip na lumapit si Dacio sa mga pulis ay pinutukan ang mobile car at tangkang tumakas subalit ginantihan ng putok ng mga pulis kaya napatay.
Narekober kay Dacio ang isang bloke ng pinatuyong dahon ng marijuana at ang cal. 38 revolver.