MANILA, Philippines - Usap-usapan ngayon sa city council ng Maynila ang hindi pagkakasama ng mga kwarto ng mga konsehal na nasa minority group sa mga ire-renovate.
Batay sa nakalap na dokumento, umaabot lamang sa 24 na konsehal na kasama sa majority group ang nakalista na ang opisinang inookupa ay aayusin at ipapagawa.
Nakasaad sa dokumento na nagkakahalaga ng P2 milyon bawat isa ang halaga ng renovation ng opisina ng mga konsehal na kabilang sa majority group.
Ang bawat silid ay may sukat na 40-80 sq. meters at kung susumahin ay umaabot sa P48 milyon ang renovation ng 24 na tanggapan.
Paliwanag ng nakapanayam ng Pilipino Star Ngayon na mas mahal pa umano ang renovation sa isäng condominium. Lumilitaw na naglaan ng pondo na P82 milyon mula sa Special Activity Fund para lamang sa 24 na konsehal lamang ang Office of the Mayor.
Giit pa ng empleyado ng city hall, mas makabubuti kung lahat ng opisina ng konsehal ay ire-renovate upang hindi mapag-iwanan ang iba.
Apela ng mga empleyado, mas makabubuti kung personal na bubusisiin ni Manila Mayor Joseph Estrada ang proyekto.