MANILA, Philippines - Tinatayang umaabot sa P100 milyong halaga ng shabu ang nasabat ng mga tauhan ng Manila Police District mula sa dalawang big time drug courier sa Binondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Iniharap ni MPD Director P/Sr. Supt. Joel Napoleon Coronel ang mga nadakip na suspect na sina Rommel Rodriguez at Albert Gasingan, kapwa residente ng Parañaque City.
Nasamsam sa mga ito ang may 20 kilo ng shabu na may street value na P100 milyon.
Lumilitaw sa imbestigasyon na pasado alas-4 ng madaling-araw kahapon nang isagawa ng MPD na pinamumunuan ni Supt. Amante Daro kasama ang Station Anti-Illegal Drugs Division at Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) ang buy-bust operation laban sa mga suspek sa Binondo, Maynila.
Nalaman na halagang P300,000 lamang ng shabu ang bibilhin ng poseur buyer pero nang madakip ang dalawang suspek, nadiskubre sa kanilang sinasakyang Mitsubishi Mirage (MJ 6096) ang 20-kilo ng shabu na nakalagay sa isang kulay gray na maleta.
“Nakalagay sa plastic, na binalutan ng carbon paper saka ibinalot sa foil yung mga shabu na inilagay sa maleta. Kaya mapapansin nyo na marumi yung plastic. Parang galing sa ibang bansa ito at dinala lang dito sa Pilipinas, bine-verify pa natin yan. O baka ibibiyahe rin ito sa abroad, para hindi ma-detect ng x-ray machine”, paliwanag ni NCRPO Director, Chief Supt. OscarAlbayalde.
Isinailalim umano sa apat na buwang surveillance operation ng MPD, ang galaw ng mga suspek at nang positibong sangkot sa illegal drugs ay saka inilatag ang buy-bust.
Bukod sa kilu-kilong shabu, nasamsam din sa pag-iingat nina Rodriguez at Gasingan ang isang kalibre .45 na baril, mga bala at P300,000 na marked money.
Sinabi ni Coronel isasalang sa ballistic examination ang nakumpiskang baril upang matukoy kung ito ay ginamit sa pamamaril.
Base sa rekord ng MPD, ang dalawang suspek ay hinihinalang sangkot din sa pagpaslang kina Brgy. Chairman Enrique Echales ng Brgy. 296, Binondo, Maynila noong Oktubre 13, 2016 at sa Chinese na si Hua Tian Shi, alyas Andy Sy noong Setyembre 17, 2016.
Sinabi nina Albayalde at Coronel na tinutunton na nila ang iba pang kila-lang personalidad na nasa likod ng ‘‘Binondo Drug Connection’’ kabilang na rito ang isang Intsik na target ngayon ng manhunt operation ng pulisya.
Isinailalim na sa inquest proceeding sa kasong paglabag sa Section 5 at Section 11 at Sec. 26 ng Republic Act 9165 kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Manila Prosecutors Office ang mga suspek.