MANILA, Philippines - Isang 46-anyos na babaeng vendor ang nasa kritikal na kondisyon matapos mapagkamalang ‘informer’ ng mga pulis at hatawin ng matigas na bagay sa ulo ng isang lalaki na sangkot sa illegal na kalakaran ng droga, kamakalawa ng hapon sa Tondo, Maynila.
Sa imbestigasyon ni PO2 Khalid Ang, ng Manila Police District-Police Station 1, agad na dinala sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC), si Nancy Campollo, ng Magsaysay St. corner Sampaloc St., Tondo, Maynila, ng kanyang kinakasamang si Manuel Llarenas dahil sa mga tinamong sugat sa ulo.
Naganap ang insidente dakong alas-3:10 ng hapon sa harapan ng bahay ng biktima.
Paalis na umano ng bahay ang biktima at si Llarenas nang sumulpot ang suspek na nakilala lamang sa alyas na Muslim at taga-Perla St. Tondo, Maynila at saka biglang hinataw ng matigas na bagay sa ulo si Campollo. Nahinto lamang ang panghahataw ng suspek ng makialam na si Llarenas at tumakas naman ang suspek.
Bago ang insidente ng paghataw sa bikitma, nalaman na nagkasagutan na umano ang biktima at ang suspek matapos akusahan ng huli ang biktima na ‘informer’ ng mga pulis dahil sangkot umano ito sa bentahan ng illegal na droga sa lugar.