Malawakang tigil-pasada, ikinasa ng 36,000 taxi drivers

MANILA, Philippines – Nagbanta ng mala­wakang tigil-pasada at protes­ta ang may 36,000 mga samahan ng taxi drivers sa bansa kung hindi aaksiyunan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB)  ang hiling na kalusin sa mga lansangan ang pamamasada ng mga on-line for-hire vehicles tulad ng Uber,Grabcar at iba pang private car na gamit sa pamamasada sa bansa.

Ayon kay Fermin Octobre, national president ng Unite for Mass Progress Equality and Reality (DUMPER), lubha nang malaki ang pasakit sa kanilang arawang kita ang ginawang pagpayag ng ­LTFRB na makapasada ang mga on-line for hire vehicles gayung wala namang prangkisa ang mga ito.

Sinabi ni Octobre na sila pang mga lehitimong drivers na  may franchise at nagbabayad ng buwis sa gobyerno  ang hindi bigyang pansin ng pamahalaan, gayung sila ang legal na namamasada sa mga lansangan.

Binigyang diin nito na dahil sa Uber,Grabcar at iba pang on-line fore hire vehicles na kinabibilangan ng mga private vehicles, tumindi na ang dami ng mga sasakyan sa kalsada na nagpapadagdag sa ma­tinding trapik at nagpahina sa kanilang kita.

Ani Octobre, kaalinsabay ng protesta ay magsasampa sila ng petisyon sa LTFRB laban sa mga Transportation Networks Vehicles Ser­vices (TNVS) tulad ng Uber at Grabcar at hihilingin din sa ahensiya na alisin na ang P5.00 discount  sa kabuuang bayad sa metro sa taxi.

Sa ngayon anya ay nagsasagawa ng pagpupulong ang mga kasapi ng mga legitimate taxi drivers para isapinal ang pormal na pagkilos laban sa TNVS.

“Exhaust muna namin lahat ng legal means at kung wala ng ibang recourse, as much as possible gusto namin sa maayos na paraan pero kung walang mangyari sa petition namin, nagkaisa ang lahat ng 36,000 taxi dri­vers nationwide na lumabas na ng kalye upang ipakita ang lakas ng mga taxi dri­vers, kaya magpipirmahan kami sa  darating na meeting,” pahayag ni Octobre.

Una nang nagpahatid ng kanilang suporta ang malalaking samahan ng transport group na kanselahin na ang accreditation ng Uber, GrabCar at iba pang TNVS na nagbigay sa mga itong magsakay ng pasahero kahit na ang kanilang mga sasakyan ay pribado.

Show comments