MANILA, Philippines - Kalaboso ang isang bagitong pulis nang mapikon at makipagbarilan sa kapatid kung saan bukod sa kanila ay sugatan din dahil sa ligaw na bala ang kanilang ama at pamangkin sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Matapos ang insidente ay sumuko ang suspek na si PO1 Ariel Igus, 34, binata, nakatalaga sa Intramuros Police Community Precinct na sakop ng Manila Police District-Station 5 at ngayon ay nakapiit sa General Assignment and Investigation Section kaugnay sa inihahandang reklamong frustrated homicide at physical injury. Nagtamo rin naman ito ng tama ng bala ng baril sa kanang hita.
Ginagamot naman sa Mary Johnston Hospital ang kabarilan nitong kapatid na si Anthony Igus, 32, barangay tanod dahil sa 6 na bala na tinamo sa tiyan, kaliwang hita at kaliwang tuhod.
Sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center naman nilalapatan ng lunas ang kanilang ama na si Serafin Igus Jr., 58, barangay lupon, na nagtamo ng bala sa magkabilang paa at ang pamangkin na si Tom Rich Avila, 10, pawang residente ng Gate 14, Area B, Parola Compound, na sa kaliwang hita naman tinamaan ng bala.
Sa ulat ni PO3 Jay-Ar Mercado, ng MPD-Station 2, dakong alas-8:50 ng gabi nang maganap ang krimen sa loob mismo ng tahanan ng pamilya Igus sa Gate 15, Area D ng Parola Compound.
Lasing na umuwi umano ang pulis at hindi nagtagal ay dumating na rin ang kapatid na may dalang 2 baril.
Nagkapikunan umano ang magkapatid at naghamunan ng barilan. Tinangkang umawat ng kanilang ama pero tinamaan din ito ng hindi sinasadya at ang naglalakad na pamangkin.
Dinala sa pagamutan ang mga sugatan habang ang suspek ay nagtungo sa Delpan PCP para harapin ang nagawang pamamaril.
Nabatid sa ulat na may alitan ang dalawa dahil sa paninita ng kapatid sa pulis hinggil sa pagsugpo sa mga iligal na gawain sa kanilang lugar at nadadamay ang kaniyang mga kaibigan.