MANILA, Philippines - Limang hinihinalang mga notoryus na ‘tulak’ ng ilegal na droga ang nasawi sa magkakahiwalay na anti-drug operation na ikinasa ng Northern Police District (NPD) sa mga lungsod ng Caloocan, Malabon at Navotas kamakalawa.
Sa ulat ng Navotas City Police, dakong alas-4:15 kamakalawa ng madaling araw nang magkasa sila ng buy-bust operation sa may M. Domingo Street, Brgy. Tangos, Navotas City na ikinasawi ng suspek na si Manuel Mangali, 45-anyos. Nasa gitna ng transaksyon ang mga pulis nang makahalata umano si Mangali na nagbunot ng baril ngunit naunahan siyang mapaputukan ng mga nakapaligid na alagad ng batas na nagresulta sa kanyang pagkasawi.
Narekober sa suspek ang isang kalibre .38 baril na may apat na bala at dalawang plastic sachet ng hinihinalang shabu.
Dakong alas-8:15 kamakalawa ng umaga nang mapaslang rin ng mga pulis sa isang buy bust operation si Edward Ferrer Canedo, 50-anyos. Nakatakbo papasok ng bahay ang suspek at akmang papuputukan umano ang mga pulis nang mabaril siya ng awtoridad. Isa ring kalibre .38 baril at isang plastic sachet ng shabu ang nakumpiska ng pulisya.
Sa ulat naman ng Caloocan City Police, napaslang sa isa ring buy-bust operation ang 28-anyos na si Bryan Cervantes, alyas “Bokbok”, ng Brgy. 140 Bagong Barrio, ng naturang lungsod. Isa ring kalibre .38 baril, mga bala, at dalawang plastic sachet na may lamang marijuana ang nakuha sa bangkay nito.
Dakong alas-10:22 kamakalawa ng gabi nang magkasa ng operasyon ang mga tauhan ng District Special Operations Unit, District Anti-Illegal Drugs, at District Public Safety Battalion sa may Villonco Street, Brgy. Concepcion, Malabon City. Papara-ting pa lang ang mga pulis nang paulanan umano ng bala ng mga armadong lalaki na nagresulta sa palitan ng putok.
Napaslang sa engkuwentro ang magkapatid na Reggie Diaz Wong at Charlie Wong. Nabatid na sangkot umano ang mga napaslang sa mga insidente ng robbery hold-up at mga malalaking supplier ng shabu sa Malabon City. Narekober sa lugar ng krimen ang isang kalibre .38 baril, isang granada, at isang plastic sachet ng shabu.