Sa drug operations aktres na si Krista Miller, 2 pang FHM model timbog

MANILA, Philippines - Naaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang aktres na si Krista Miller at dalawang umano’y dating modelo ng FHM at anim pang perso­nalidad sa isinagawang anti-illegal drug operations sa magkahiwalay na lugar sa Quezon City, Valenzuela City at Pasig City, ayon sa ulat kahapon.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) director Senior Supt. Guil-lermo Eleazar sina Miller o Kristalyn Engle, sa totoong buhay, 26, ng Valenzuela City; mga modelong sina Liaa Alelin Bolla, 24; at Jeramie Padolina, 30, ng Quezon City ay nadakip sa magkakahiwalay na anti-illegal drug operation ng mga operatiba ng District Anti-Illegal Drugs-Special Operstion Task Group ng Police Station-8.

Bukod sa tatlo, kasama rin sa naaresto ang mga suspek na sina John Enri Barros, 22; Justin  del Rosario, 19, Renato Hernandez, 32, Aaron Medina, 26 at mag-asawang Ambay at Muhid-din Sandigan.

Sa pagsisiyasat, unang naaresto ng mga operatiba ng SAID-SOTG ng PS-8 sina Padolina, Bolla, kasama sina Barros, Del Rosario at Hernandez sa isang buy-bust operation sa kahabaan ng A. Luna St. Brgy. Bagumbuhay, Project 4, QC, dakong alas-12:40 ng madaling araw.

Nasamsam sa kanila ang pitong piraso ng sachet ng shabu, isang sachet ng marijuana, at mga drug paraphernalia, gayundin ang tatlong piraso ng P500 buy-bust money.

Kasunod nito, itinuga nina Bolla at Padolina sina Miller at Barros na mga sources nila sa droga, sanhi upang  isagawa ang follow-up buy-bust operation ng SAID-SOTG, kasama ang QCPD Special Operation Unit na ikina-aresto ng aktres, kasama si Medina, sa Brgy. Gen. Tiburcio Gen. T. de Leon, Valenzuela City, dakong alas 9: 00 ng gabi.

Nakuha naman kina Miller at Medina ang isang sachet ng shabu, marked  money  na ginamit sa ope-rasyon at isang Yamaha Mio Motorcyle (ZHD-032188).

Samantala, ibinunyag naman ni Barros na ang sources niya ng droga ang mag-asawang sina Ambay at Muhiddin Sandigan ng Lower Bicutan Taguig City, dahilan kung kaya ikinasa naman ng District Anti-Illegal Drugs (DAID) ang operasyon laban sa mga huli  sa Sandoval Avenue, malapit sa Kenneth St., Brgy. Pinagbuhatan Pasig City.

Nakumpiska sa dalawa ang isang plastic sachet ng shabu, isang cellphone, isang P1,000 bill at 49 na piraso ng boodle money at isang Honda RS-125 (6659).

Maaalalang si Miller ay naging kontrobersyal noon taong 2014 matapos na bumisita sa ospital kung saan naka-confine ang isang convicted drug lord na si Ricardo “Chacha” Camata.

Kamakailan lamang nadakip din ang dating sexy star na si Sabrina M na na­hu­ling nagpo-pot session kasama ang dalawang iba pang suspek sa mismong bahay niya.

Kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang kinakaharap ng nasabing mga suspek.

Show comments